MANILA, Philippines — Dumalo kahapon sa pagdinig sa kaso sa iligal na droga ni dating Senador Leila de Lima sa Muntinlupa Regional Trial Court si dating Bureau of Corrections officer-in-charge Rafael Ragos na iginiit na tinakot siya para idiin ang una.
Ayon sa isa sa mga abogado ni De Lima na si Atty. Filibon “Boni” Tacardon, malaking bagay sa kanilang depensa ang mga naging testimoniya ni Ragos sa korte.
“Para sa aming defense panel importanteng-importante na na-identify niya ‘yung kanyang affidavit of recantation at natanong naman siya kung yan ay totoo at kinonfirm niya na lahat ng sinabi niya ay totoo at boluntaryong sinabi,” sabi ni Tacardon.
Ayon sa abogado ni Ragos na si Atty. Michael de Castro, idinetalye ng kanyang kliyente kung sino ang mga pumilit sa kanya para idiin sa kaso si De Lima.
Isa sa iginiit ng kanyang kliyente ay ang kawalan niya ng abogado nang umano’y pilitin siyang lagdaan ang inihandang salaysay laban kay De Lima.
Tatlo ang sinumpaang salaysay ni Ragos: isa ay noong September 5, 26, 2016 at March 2017.
Sabi ni De Castro na noong September 5 affidavit ni Ragos, idinetalye niya kung paano siyang dinala sa isang hotel kung saan siya pinilit na gumawa ng affidavit laban kay De Lima. Natakot umano ang kaniyang kliyente dahil kasagsagan noon ng Oplan Tokhang.
Kasama sa mga una nang pinangalanan ni Ragos sa kanyang sinumpaang salaysay na pinilit lang siya nang noo’y Justice Secretary na si Vitaliano Aguirre II na itinanggi naman ng dating kalihim.
Samantala, sabi ni Atty. Tacardon, pinayagan na rin ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang hirit na medical furlough ni De Lima.