PBBM pinangunahan ang groundbreaking ceremony ng Samal-Davao bridge

Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte ang groundbreaking ng P23-billion Samal Island-Davao City Connector (SIDC) bridge project sa Davao City, kahapon. Ang proyekto ay testamento anya ng matatag na ugnayan ng Pilipinas at China.
Office of the Press Secretary

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni ­Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang groundbreaking ceremony sa Samal-Davao bridge.

Ayon sa Pangulo, kapag natapos na ang Samal Island-Davao City Connector (SIDC) ay makakatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng rehiyon at tiyak na mas maaakit ang mga turista dahil mapapadali na ang pagbiyahe.

Ang bagong tulay ay magdurugtong sa Island Garden City of Samal (Igacos) sa Davao del Norte sa Davao City.

“Once completed, this bridge will help us develop the economic potential of Davao City and the Island Garden City of Samal, as well as enhance its residents’ access to employment, education, and other social services,” ani Marcos.

Inaasahan na dahil sa bagong tulay, magiging limang minuto na lamang ang biyahe mula Davao City patungo ng Samal sa halip na 30 minutong biyahe sa ferry.

Nasa P23 bilyon ang inilaang pondo sa two-way, four-lane na tulay.

Ang engineering company na China Road and Bridge Corporation (CRBC) ang gagawa ng tulay na may 3.98 ­kilometro na magkokonekta sa Samal Circumferential Road sa Island Garden City ng Samal patungo sa R. Castillo –Daang Maharlika junction sa Davao City.

Gagawin ang tulay sa loob ng limang taon at inaasahang matatapos sa 2027.

Popondohan ang tulay sa papamagitan ng loan agreement na US$350 milyon o P18.67 bilyon na napagkasunduan ng Pilipinas at China.

Show comments