6.4 magnitude lindol sa Abra
MANILA, Philippines — Sampu katao ang nasugatan sa magnitude 6.4 na lindol sa Abra kamakalawa ng gabi, batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sa datos ng Abra-PDRRMO, ang anim sa nasugatan ay naitala sa bayan ng Lagayan, isa sa San Quintin at tatlo sa San Juan.
Sinabi ni Abra Governor Dominic Valera na apat sa mga biktima sa Lagayan ay nadaganan ng gumuho nilang bahay.
Ilang bahay naman ang nasira sa bayan ng Tineg kung saan apektado rin ang suplay ng kuryente.
Kinansela na rin ang pasok sa eskuwela at trabaho ngayong araw para bigyang-daan ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga gusaling posibleng napinsala ng lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang sentro ng lindol ay naitala sa may 007 kilometro hilagang silangan ng Lagayan, Abra.
Hanggang kahapon ng alas-10 ng umaga ay 409 aftershocks na ang naitala ng Phivolcs matapos ang naturang lindol.
Noon lamang Hulyo nang tumama ang magnitude 7.0 lindol sa Tayum, Abra kung saan 11 ang nasawi at higit 600 ang nasugatan.
Nakatakda namang magtungo ngayong araw sa Abra si DSWD Sec. Erwin Tulfo upang maghatid ng tulong sa mga apektado ng lindol.
Samantala, sinabi naman ni Philippine Independent Church parish priest Father Christian Edward Abao na nawasak ang belfry ng kanilang chapel dahil sa lindol. Ani Abao, nagkaroon ng bitak ang simbahan nang lumindol noong Hulyo 27 at natuluyan sa lindol nitong Martes ng gabi.
Karamihan naman sa mga residente ang nagpalipas ng gabi sa labas ng kanilang mga bahay dahil sa takot sa mga aftershocks.
May mga kalsada naman ang hindi halos madaanan dahil sa mga rockslides at landslides.
- Latest