10 katao naiulat na sugatan sa magnitude 6.4 na lindol sa Abra
MANILA, Philippines — Umabot na sa 10 katao ang naiuulat na sugatan dulot ng malakas-lakas na magnitude 6.4 na lindol na siyang yumanig sa probinsya ng Abra atbp. kalapit na lugar sa hilagang bahagi ng Luzon nitong Martes ng gabi.
Umabot hanggang Intensity VI (very strong) ang naramdamang pagyugyog sa ilang bahagi ng probinsya ng Abra at Ilocos Norte dahil sa lindol kaugnay nito.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council at Office of Civil Defense, Miyerkules, lima ang kumpirmadong injured sa Cordillera Administrative Region habang bineberipika pa ang lima sa Abra.
"We have, for now, five casualties from Abra," ani OCD Assistant Secretary Bernardo "Raffy" Alejandro IV sa isang press briefing kanina.
"Zero death. Wala pong direct casualty rito, but ito lang na injuries na reported sa atin."
Dagdag pa ni Alejandro, ang suspendido na ang klase sa mahigit 30 local government units dulot ng lindol, habang tigil-trabaho naman ang nasa 28 LGUs.
Karamihan sa mga nabanggit ay naitala sa:
- Ilocos Sur
- Ilocos Norte
- Abra
- ilang lugar sa Mountain Province
"We received reports that there are six infrastructure damage in CAR and Region 1," dagdag pa ng OCD official.
Personal na binisita naman ni Social Welfare Secretary Erwin Tulfo ang Laoag City, Ilocos Norte upang kumustahin ang sitwasyon at epekto roon ng lindol.
Sa kabila nito, hindi pa rin klaro kung may plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumisita sa mga nasalantang lugar.
Kasalukuyang may 79,207 prepositioned non-food items atbp. relief items na naka-preposition ngayon, bagay na nagkakahalaga ng P357.17 milyon.
Samantala, meron namang standby funds na nagkakahalaga ng P343.19 milyon para sa quick response fund na nakalagak ngayon sa OCD Central Office. — James Relativo
- Latest