MANILA, Philippines — Hindi sinagot ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang media matapos matanong kung bibisitahin ba niya o hindi ang mga biktima ng malakas na lindol na yumanig sa malaking bahagi ng Luzon.
Martes lang nang maitala ang epicenter ng naturang magnitude 6.4 na lindol sa Lagayan, Abra. Umabot hanggang Intensity VI (very strong) ang naramdamang pagyugyog sa ilang bahagi ng probinsya ng Abra at Ilocos Norte dahil sa lindol.
Related Stories
Setyembre lang nang mapuna si Marcos Jr. dahil sa hindi agad pagbisita sa mga nasalanta ng nagdaang Super Typhoon Karding. Paliwanag niya noon, "makaka-istorbo" lang siya. Nagsagawa na lang tuloy siya ng aerial inspection matapos ang nangyari.
"We do not have a critical problem when it comes to food. Maybe shelter. That is the most important part of the relief that we have to provide now for the people affected by the earthquake last night," ani Marcos Jr. sa isang press briefing kanina.
"In Ilocos Norte, the power has come back. In Ilocos Sur the power has come back. I'm waiting for report from Abra, but the last I heard... Abra province has power already restored."
Maraming eskwelahan ang nagsuspindi muna ng klase kaugnay ng naturang lindol.
Una nang sinabi ng Phivolcs na inaasahan nila ang aftershocks at pinsala dulot ng naturang insidente.
#EarthquakePH #EarthquakeAbra#iFelt_AbraEarthquake
— PHIVOLCS-DOST (@phivolcs_dost) October 26, 2022
Earthquake Information No.3
Date and Time: 25 October 2022 - 10:59 PM
Magnitude = 6.4
Depth = 013 km
Location = 17.77°N, 120.74°E - 007 km N 32° E of Lagayan (Abra)https://t.co/e4OgCY7XnX pic.twitter.com/lvJ40J0k6w
"Ang hinihingi ng karamihan ay tents. And the reason why is natatakot silang bumalik sa mga bahay nila, baka mag-aftershock," dagdag pa ng presidente.
Una nang sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na nakaranas ng kawalan ng kuryente ang dalawang munisipalidad sa Cagayan, maliban pa sa partial damage na tinamo ng isang bahay sa Brgy. Punta, Aparri.
Dalawang kalsada naman sa bayan ng Allapacan ang naiulat na nagkaroon ng bitak.