Face mask sa indoor areas, boluntaryo na
MANILA, Philippines — Boluntaryo na lang ang pagsusuot ng face mask sa mga indoor areas.
Inihayag ito ni Tourism Secretary Christina Frasco matapos ang ipinatawag na Cabinet meeting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan tinalakay ang mga gagawing pagluluwag sa pagsusuot ng face mask sa mga indoor space.
Sinabi ni Frasco na maglalabas ang Pangulo ng Executive Order base na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na gawin na lamang optional ang pagsusuot ng face mask bagaman at magkakaroon ng “exceptions.”
“We have just concluded a Cabinet meeting with President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. together with our fellow Cabinet secretaries. And in that meeting, the matter of the mask mandate policy of the Philippines was discussed. As you are aware, the President has already issued an executive order to make outdoor mask-wearing voluntary all over the Philippines with certain exceptions,” ani Frasco.
Kabilang sa exceptions ang pagsusuot pa rin ng face mask sa mga pampublikong transportasyon at medical facilities.
Hinihikayat din ang mga hindi bakunado laban sa COVID-19 na manatiling magsuot ng face mask, maging mga may comorbidities at senior citizens.
Makakapasok na rin sa bansa ang mga dayuhan kahit hindi bakunado basta magpakita lamang ng resulta ng antigen test, 24 oras bago bumiyahe papuntang Pilipinas o kaya ay mag-antigen test pagdating sa bansa.
Inalis na rin anya ang requirement sa RT-PCR test bago umalis ng bansa.
Sinabi ni Frasco na layunin ng Pangulo na makasabay ang Pilipinas sa mga kalapit na bansa sa Asya na nagluwag na ng travel restrictions para makahikayat ng mga turista.
Hindi naman tinukoy ni Frasco kung kailan magiging epektibo ang hindi na pagsusuot ng face mask sa indoor space at mabuti anyang hintayin na lang ang EO ng Pangulo.
- Latest