Vaccine card dalhin pa rin sa pagbiyahe sa Undas
MANILA, Philippines — Pinayuhan ng pamunuan ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang mga mamamayan na bibiyahe para sa Undas na dalhin pa rin ang kanilang vaccination cards para na rin sa kapanatagan ng kanilang isipan.
Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Jason Salvador, Corporate Affairs and Government Relations’ Head ng PITX na hindi na requirement ang vaccination card sa sandaling nakapasok na sa terminal ang mga pasahero pero mas makakabuti pa ring dalhin nila ito dahil posibleng hanapin sa pupuntahan nilang lugar.
Magkakaroon din aniya ng karagdagang “peace of mind” ang mga pasahero kung alam nila na pare-pareho silang may bakuna laban sa COVID-19.
Nilinaw din ni Salvador na nagluwag na sila at wala ng masyadong hinahanap pero pinayuhan ang mga pasahero na huwag ng magdala ng mga ipinagbabawal na bagay katulad ng matatalim at madaling masunog.
Huwag na rin anyang masyadong magdala ng maraming pasalubong upang hindi mahirapan sa pagbiyahe.
Sa weekend inaasahang dadagsa na ang mga pasahero na uuwing probinsiya dahil sa mahabang bakasyon dahil idineklarang holiday ang Oktubre 31.
Kalimitan aniya ay nasa 120,000 kada araw ang gumagamit ng PITX sa mga nakaraang buwan at inaasahan na aabot ito sa 150,000 pasahero kada araw pagdating sa weekend.
Tiniyak ni Salvador na pinaghahandaan na nila ang pagbugso ng mga pasahero.
- Latest