PBBM: Ayuda sa mga Pinoy na nasa krisis, tuluy-tuloy
MANILA, Philippines — Muling tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos na magtutuluy-tuloy ang pamimigay ng kaniyang administrasyon ng ayuda para sa mga Pilipino na dumaranas ng krisis bunsod ng patuloy na pagtaas sa presyo ng bilihin.
Ipinangako ito ni Marcos sa gitna ng distribusyon ng ayuda ng pamahalaan sa mga “vulnerable sectors” sa Talisay City sa Negros Occidental. Namahagi si Marcos ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng halagang mula P5,000 hanggang P10,000 sa 100 indibidwal.
“Pagka ako ay umiikot at pumupunta sa iba’t-ibang lugar, tinitiyak ko na ‘yung inyong inaasahang tulong na galing sa gobyerno ay tuluy-tuloy ang parating sa taong bayan,” saad ni Marcos sa kaniyang talumpati.
Kinikilala umano niya na maraming mga Pilipino ang sobrang hirap sa buhay dahil sa mahal ng mga bilihin at mga pangangailangan dahil sa mas mataas na presyo ng langis.
“Habang nangangailangan ang taong bayan ng tulong, gagawin ng gobyerno lahat para kahit papaano ay makatulong…,” pangako niya.
Inulit niya ang pangako na uunahin ang pagpapataas sa produskyon ng pagkain at pagpapababa ng presyo nito bilang pinuno ng Department of Agriculture.
Umaasa siya na darating umano ang panahon na hindi na aasa pa ang mga Pilipino sa tulong mula sa pamahalaan at aayos na ang buhay ng bawat pamilya.
- Latest