Full face to face classes ng public schools sa Nobyembre 2, tuloy - DepEd
Kahit naka-detect ng XBB, XBC variants
MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang pagpapatupad ng limang araw na face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan simula Nobyembre 2 sa kabila ng pagkumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapasok na sa Pilipinas ang Omicron XBB subvariant at XBC variant ng COVID-19.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, wala pa silang anumang amendments o pagbabago na ipinatutupad hinggil sa full implementation ng face-to-face classes.
Una nang ipinag-utos ng DepEd, sa ilalim ng Department Order (DO) No. 34 ang full implementation o limang araw na face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa simula Nobyembre 2.
Gayunman, nito lamang Lunes, inilabas ng DepEd ang DO No. 44, na nag-aamyenda sa DO No. 34, at nagpapahintulot sa mga pribadong paaralan na magdaos ng limang araw na face-to-face classes, blended learning modality, o full distance learning simula sa nasabing petsa.
Ang mga pampublikong paaralan naman ay kinakailangang magpatupad na ng full in-person classes.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Poa na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa DOH at iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa monitoring ng health situation sa mga paaralan, lalo na ngayong nakapasok na sa bansa ang XBB at XBC variant.
Dagdag pa ni Poa, ipinauubaya ng DepEd sa mga local government units ang pagbibigay ng datos ng COVID infections sa mga paaralan, upang matiyak na accurate ang numero na isasapubliko, kasunod na rin ng mga ulat na may mga naitalang kaso sa ilang paaralan sa bansa.
- Latest