Bagyong Obet napanatili ang lakas
MANILA, Philippines — Napanatili ng Tropical Depression Obet ang kanyang lakas habang kumikilos sa hilagang kanluran ng Philippine Sea papuntang extreme northern Luzon.
Ayon sa PAGASA, alas-11 ng umaga kahapon si bagyong Obet ay huling namataan sa layong 1,025 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon at kumikilos pahilaga hilagang kanluran sa bilis na 15 km kada oras taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 km bawat oras at pagbugso na 55 km bawat oras.
“‘Yung forecast track ay halos katulad ng bagyong si Neneng, at ‘yung inaasahan pa rin nating lugar na direktang maapektuhan nakararami ang bahagi ng Northern Luzon,” pahayag ni Cris Perez ng PAGASA.
Sinabi ni Perez na sa ngayon ang bagyong Obet ay wala pang direct impact sa bansa kahit na inaasahang may pag-uulan sa Biyernes ng umaga sa Northern Luzon
Si Obet ay inaasahang maabot ang tropical storm category Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga.
- Latest