Bagyong 'Obet' namuo sa loob ng PAR, magiging tropical storm sa Biyernes

MANILA, Philippines — Tuluyan nang naging bagyo ang low pressure area sa Philippine Sea silangan ng Extreme Luzon at tatawagin nang Tropical Depression Obet — ito ilang araw lang matapos makaalis ng Pilipinas ang Typhoon Neneng.

Namataan ang sentro ng bagyo 1,055 kilometro silangan ng Dulong Hilagang Luzon, ayon sa pinakahuling taya ng PAGASA, bandang 4 a.m. ng Miyerkules.

  • Lakas ng hangin: 45 kilometro kada oras malapit sa gitna
  • Bugso ng hangin: hanggang 55 kilometro kada oras
  • Pagkilos: 10 kilometro kada oras
  • Direksyon: hilagang hilagangkanluran

"Friday evening through Saturday morning: Moderate to heavy with at times intense rains possible over Babuyan Islands, Ilocos Norte, Apayao, and the northern portion of mainland Cagayan," sabi ng state meteorologists.

"Light to moderate with at times heavy rains possible over Batanes, the northern portion of Ilocos Sur, Abra, Kalinga, and the rest of mainland Cagayan."

Naging ganap na tropical depression ang naturang LPA sa loob ng Philippine Area of Responsibility bandang 2 a.m. kanina.

Sa forecast track ng PAGASA, nakikitang maaaring tumawid ang mata ng bagyong "Obet" sa Extreme Northern Luzon o hilagang bahagi ng mainland Northern Luzon sa pagitan ng Biyernes ng gabi at Sabado ng umaga.

"Obet is forecast to gradually intensify by mid Friday as it tracks closer to Extreme Northern Luzon and may reach tropical storm category by late Friday or early Saturday," dagdag pa ng state weather bureau.

"Further intensification is likely once Obet reaches the West Philippine Sea."

Batay sa pinakahuling forecast scenario, maaaring itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal sa ilang lugar sa Northern Luzon ngayong gabi o bukas ng umaga.

Ang pinakamataas na wind signal na nakikitang idedeklara sa pagtawid ng bagyong "Obet" sa ngayon ay Signal no. 2.

Show comments