MANILA, Philippines — Umaabot sa 1.2 milyong Pilipino ang nagkakasakit sa kidney taun-taon dahil sa pagkonsumo ng maaalat na produkto base sa nakuhang data sa National Kidney Institute, ayon kay Sen. Raffy Tulfo.
Sa budget hearing ng Department of Trade and Industry noong Oktubre 17, sinabi ni Tulfo kay DTI Sec. Alfredo Pascual na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya, katulad ng Food and Drug Administration (FDA), para itulak ang mga manufacturer na maghanap ng mas mabuting alternatibo sa sodium chloride para mabawasan ang mga panganib na dala sa kalusugan ng sobrang asin.
Nanawagan din si Tulfo sa DTI na protektahan ang mga mamimili laban sa mga produktong delikado sa kanilang kalusugan, katulad ng instant noodles at de-latang sardinas na may mataas na sodium level.
Bagama’t hindi siya tutol sa paggawa ng instant noodles at sardinas, nag-alala si Tulfo sa mataas na sodium content ng mga produktong ito.
Ani Tulfo, ang isang pakete ng locally-made na instant noodles ay may sodium content mula 1,600mg-1,900mg samantalang ang inirerekomendang pang-araw-araw na sodium consumption ay hanggang 2,000mg lamang.
Sa Japan, ginagamit ng isang sikat na brand sa paggawa ng instant noodles ang magnesium chloride sa halip na sodium chloride. Samantala, ang isang top-selling na brand ng sardinas sa US, ay mayroon lamang 70mg sodium bawat can kumpara sa mga sikat na sardine brand sa Pilipinas na may sodium level mula 300mg-610mg per can.