^

Bansa

Pumatay diumano sa journo na si Percy Lapid sumuko, itinuro 3 pang suspek

James Relativo - Philstar.com

MANILA, Philippines (Updated 1 p.m.) — Sumuko na ang gunman sa pumatay diumano sa radio commentator na si Percy Lapid (Percival Mabasa), na siyang ngumuso rin sa tatlo pang suspek habang isinisiwalat na tumanggap siya ng utos mula sa loob ng Bilibid.

Martes nang iharap ni Interior Secretary Benhur Abalos ang suspek na si Joel Salve Estorial, na sumuko dahil sa "takot sa seguridad" nang ilabas ng Philippine National Police at Department of the Interior and Local Government ang kanyang larawan.

"P550,000 po [ang ibinayad para sa pagpatay]... Sa lahat na po," paglalahad ni Estorial kanina.

"Bale kasama po 'yung sa loob, bale anim [kami naghati-hati]... Opo, ihinulog po sa bank account ko po, sa BDO... Hinati-hati namin po, [P140,000] po sir [ang akin]."

Itinuro rin ni Estorial, 39-anyos at tubong Leyte, ang tatlo pa sa kanyang mga kasamahan sa krimen:

  • "Orly Orlando"
  • Edmon Adao Dimaculangan (30-anyos)
  • Israel Adao Dimaculangan (35-anyos)

Oktubre lang nang noong nakaraang linggo nang umabot sa P6.5 milyon ang pabuya para sa mga magbibigay ng impormasyon para sa ikahuhuli ng salarin sa likod ng pagpatay kay Lapid, na kilalang komentaristang kritiko ng administrasyon nila Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang ika-3 ng Oktubre nang pagbabarilin si Lapid ng mga diumano'y nakasakay sa motorsiklo sa  Aria St., Brgy. Talon Dos sa Las Piñas.

'Galing sa Bilibid'

"Natakot po ako at saka na-konsensya... sa kasalanan ko," dagdag pa ni Estorial.

"Galing po sa loob sir [ang nag-utos]. Sa Bilibid po."

Aniya, si alyas "Orly" ang lalaking nagmamaneho ng motor nang isagawa ang krimen. Dagdag pa ni Estorial, sinabihan siya ni Orly na siya ang papatayin kung hindi tutuluyan si Lapid.

Ang magkapatid na Dimaculangan ay naatasan din sanang pagtayin ang komentarista kung sila ang matapat sa target.

'Hindi basta fall guy'

Tiniyak naman ni Abalos na totoong gunman si Estorial at hindi basta iprinesenta lang.

"Ang tanong ng publiko, totoo ba ang sumuko na 'yan or is he just a fall guy? Hindi po, siya po talaga," ani Abalos sa naturang press briefing.

"The gun itself would match the slug. Nag-match 'yung ballistics. Number Two: 'Yung mga damit na pinunit-punit niya, nandoon pa rin, talagang damit niya ito. Number Three: 'Yan po ay nasa CCTV."

"This is great police work. Binacktrack po 'yan, tinyaga po 'yan ng ating kapulisiyahan."

Kanina lang nang sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hihingi siya ng report mula kay Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag pagdating sa paratang ng diumano'y gunman pagdating sa pagkuha ng utos sa loob ng New Bilibid Prison.

Gumawa ng ingay ang pagpatay kay Lapid, na siyang ikalawang media killing na sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. 

Kamakailan lang nang maging kontrobersyal ang pagbisita ng ilang nagpakilalang miyembro ng PNP sa bahay ng GMA reporter na si JP Soriano, na siyang "tumitingin" daw kung may mga banta sa mamamahayag matapos mapatay si Lapid. Nais paimbestigahan na ng Makabayan bloc ang nangyari.

Dinepensahan naman ng National Capital Region Police Office ang ikinakabahalang surprise visit sa mga journalists habang nakasibilyan, bagay na ginawa lang daw nila para maging "discreet." 

 

BENHUR ABALOS

GUNMAN

MEDIA KILLINGS

PERCY LAPID

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

SUSPECT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with