MANILA, Philippines — Naniniwala si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na napapanahon na para maglabas ng opinyon ang Supreme Court ukol sa awtoridad ng Kongreso na magsuspinde ng halalan, partikular na sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Sinabi ni Garcia na isang magandang development ang ginawa ni Atty. Romulo Macalintal sa paghahain ng petisyon sa SC upang kuwestiyunin ang kapangyarihan ng Kongreso, makaraang igiit na tanging pagpapalawig lamang ng termino ang pinapayagang gawin nila sa ilalim ng Omnibus Election Code of the Philippines.
“It’s high time na magkaroon po ng interpretasyon ang Saligang Batas — sadya bang may kapangyarihan ang Kongreso na mag-postpone ng eleksyon; number 2, sadya bang kasama sa pagpo-postpone ang Barangay at SK o ito ay limitado lang sa ibang posisyon. Maganda po na merong interpretasyon sa probisyon na ‘yan,” ayon sa kaniya.
Sa kanilang interpretasyon naman sa Saligang Batas, sinabi ni Garcia na isa ring abogado, na may kapangyarihan naman ang Kongreso na suspindihin ang halalan dahil sa pagpapalawig ng termino ng mga nakaupong barangay officials ay kaakibat nito ang pagsuspindi sa halalan.
Pero panahon na umano na magkaroon ng tiyak na desisyon ang SC ukol dito para hindi na magkaroon ng iba’t ibang interpretasyon.
“From now on, kung sakaling magkakaroon ng definitive ruling po ang ating Korte Suprema, sa mga susunod pa na mga pangyayari kung magkakapostpone o reset ang halalan, magiging basehan na po natin ‘yung magiging case na ito,” dagdag pa ni Garcia.