Direk Paul Soriano, inaanak ni Marcos Jr. sa kasal, itinalagang 'presidential adviser'

Director Paul Soriano with President Bongbong Marcos and Senator Mark Villar

MANILA, Philippines — Itinalaga na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang direktor na si Paul Soriano bilang sususunod na Presidential Adviser for Creative Communications.

Ang balita ay kinumpirma ng Office of the Press Secretary, Lunes, at siyang manunumpa rin ngayong araw.

Kilalang direktor ng ilang pelikula si Soriano, na siya ring naging direktor ng unang State of the Nation Address ni Bongbong.

Si Bongbong ay kilalang ninong nina Soriano at aktres na si Toni Gonzaga sa kasal noon pang 2015. Si Soriano ay pamangkin din ng asawa ni Bongbong na si Liza Araneta Marcos.

Matagal nang nababatikos ng ilan ang posibilidad ng pagbibigay ni Marcos Jr. ng posisyon sa kanya bilang "nepotismo" lalo na't personal na malapit sa kanya ang nabanggit.

 

 

Ngayong buwan lang nang pumutok ang balitang inalok kay Soriano ang posisyon ng pagiging press secretary.

Agosto lang nang maging kontrobersyal ang pagtalaga ni Bongbong sa personal niyang doktor na si Samuel Zacate bilang director general ng Food and Drug Administration.

Una nang sinabi ni Marcos Jr. na bukas siyang ilagay sa sarili niyang Gabinete ang kanyang asawa kung "siya ang pinakamahusay" sa naturang larangan. — may mga ulat mula kay The STAR/Helen Flores

Antabayanan ang mga karagdagang detalye sa balitang ito

Show comments