Sa pagkakaaresto sa anak ni Remulla

Ayon kay Sen. Bong Revilla , “hindi kasalanan ng ama ang kasalanan ng anak.”
Philstar.com / File

‘Di kasalanan ng ama’ – Revilla

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Sen. Bong Revilla ang publiko na huwag husgahan si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla base sa kasalanan ng iba kundi sa kanyang kakayahan at pagganap sa kanyang tungkulin.

Ayon kay Revilla, “hindi kasalanan ng ama ang kasalanan ng anak.”

Naniniwala si Revilla na sa kabila ng drug case na kinakaharap ngayon ng anak ni Remulla ay hindi nito pakikialaman ang kaso ng anak.

“Kilala ko si Secretary Boying Remulla bilang disenteng tao na may isang salita. Kaya’t masakit man bilang isang ama na napariwara ang anak, I believe him when he said he will uphold his oath and the law. Naniniwala ako sa kanya na hindi siya makikialam,” ani Revilla.

Para kay dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na kay Remulla na ang desisyon kung magbitiw ito sa posisyon.

“Whether dapat siyang mag-resign o hindi medyo ano ‘yan, we’ll leave it to him. Atsaka ‘yung sa kilos, makikita mo naman sa kilos kung ano ang magiging aksyon,” ani Sotto sa panayam ng ABS-CBN  Te­leRadyo.

Naniniwala rin si Sotto na hindi pakikialaman ni Remulla ang kinakaharap na kaso ng panganay na anak na si Juanito Jose Diaz Remulla III.

Sinabi rin ni Sotto, na dating pinuno ng Dange­rous Drugs Board, na naniniwala siyang hahayaan ni Remulla na tumakbo ang hustisya.

Matatandaan na inaresto ng mga awtoridad noong Martes si Juanito dahil sa umano’y P1.3 milyong halaga ng high-grade marijuana.

Pormal siyang kinasuhan ng Las Piñas City Pro­secutor’s Office nitong Biyernes dahil sa umano’y paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Show comments