Army tinawag na 'NPA-free' ang Davao Region kahit hindi totoo, sabi ng CPP
MANILA, Philippines — Mariing pinabulaanan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pahayag ng gobyernong "naubos" na ang armadong hukbo ng mga komunista na New People's Army (NPA) sa Rehiyon ng Davao.
Miyerkules kasi nang lagdaan ng Armed Forces of the Philippines at Regional Peace and Order Council 11 ang isang resolusyon na nagdedeklarang wala nang "insurgents" sa buong Region XI simula pa noong Setyembre 2022.
"Self-deceiving at malaking exaggeration ang sinasabi ng AFP na 'naubos' na ang NPA sa Davao Region, at the expense of the peasant masses and Lumad people," ani CPP chief information officer Marco Valbuena, Biyernes, sa panayam ng Philstar.com.
"Kung wala nang NPA sa Davao Region, bakit napakalaki pa rin ng deployment ng AFP sa lugar, at humihingi pa ng dagdag na badyet? Sila siguro ang dapat tanungin: Kung wala nang NPA sa Davao, may katumbas ba ito na pagbawas nila ng armadong pwersa doon?"
Nilagdaan ng AFP at RPOC-11 ang naturang resolusyon ilang linggo pa lang matapos ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 19 ang petisyong ideklarang iligal at "terorista" ang CPP-NPA, isang grupong tinitignan ang sarili bilang mga rebolusyonaryo.
Bago ang Davao Region, una nang sinabi ng gobyernong insurgency-free na ang Ilocos Region at Zamboanga Peninsula.
Pagkwekwestyon pa nina Valbuena, kabalintunaang sabihing ubos na ang NPA sa Davao Region lalo na't nagtalaga pa nga ang AFP ng 10 Autonomous Truck Mounted Howitzer System na nagkakahalagang P230 milyon kada isa sa iba't ibang bahagi ng Mindanao.
"Para masabi ito ng AFP, ipinailalim nila ang mga komunidad na pinagsuspetsahan nilang base ng NPA sa hamlet conditions o halos permanenteng military occupation," dagdag pa ng CPP officer.
"Over the past years, subjected sa state terrorism ang mga tao sa anyo ng walang rendang shelling at bombing ng kanilang mga lugar. Naka-martial law ang mga barangay para hindi makatutol ang masa sa planong expansion ng banana plantations at pagpasok ng mining companies."
'Salamat sa mga nag-ambag vs rebelyon'
Kamakailan lang nang pasalamatan ni Maj. Gen. Nolasco Mempin, kumander ng 10th Infantry Division ng Army at vice chair ng RPOC, ang iba't ibang ahensya at miyembro ng RPOC na nag-ambag para igulong ang kampanyang tapusin ang armadong rebelyon sa rehiyon.
"Where we are now and what we have achieved bespeak well of our excellent convergence and collaborative efforts," ani Mempin sa state-run Philippine News Agency.
Mula 2016 hanggang 2022, naitala ng 10th ID ang mga sumusunod na datos kaugnay ng laban sa mga rebeldeng komunista:
- napatay na NPA (107)
- nahuling NPA (217)
- sumukong NPA (1,425)
- nakumpiskang armas (1,597)
- bilang ng engkwentro (437)
- sumukong miyembro ng lihim na pangmasang organisasyon (9,985)
- baranggay na "cleared" mula sa impluwensya ng NPA (401)
"We are so happy about this declaration. The development would now thrive without fear of intimidation, harassment, and sabotage from the NPA group," dagdag pa ni Mempin.
Enero 2022 lang nang mapatay ng tropa ng gobyerno ang CPP-NPA official na si Menandro Villanueva sa Davao de Oro, bagay na kinikilala rin nina Valbuena.
Patuloy na pagtangan ng armas
Bagama't totoong may mga dinanas daw na mga kabiguan ang NPA, sinabi ni Valbuena na gumagawa ng paraan ang hukbo upang kontrahin ang mga maniobra ng AFP.
"Along the way, mayroon talagang losses at ang iba ay malaki katulad ng pagpatay kay Kasamang Menandro Villanueva (murdered under custody ng AFP)," sabi ni Valbuena.
"I will not go into specifics, but what I can say is that the NPA continues to preserve its forces, persevere in guerrilla warfare, and expand its territories and forces. Wherever the NPA goes, they enjoy the deep support of the people."
Sa ngayon, grabe raw ang pagdurusa ng mga magsasaka, katutubong Lumad at mga manggagawa ng minahan at mga plantasyon sa Davao Region, lalo na sa tindi ng krisis, land-grabbing at "pananalantang militar."
Naninindigan silang hindi mauubos ang NPA sa Davao Region dahil tuloy-tuloy ang "pasistang terorismo" ng kasundaluhan at pagpanig nito sa interes ng mga dayuhan at lokal na kapitalista.
"Dinadagdagan nang dinadagdagan ng reaksyunaryong estado ang mga dahilan para pumanig ang masa sa NPA at lumahok sa armadong rebolusyon," panapos ni Valbuena.
Ilang dekada nang naglulunsad ng armadong pakikibaka ang NPA sa pamumuno ng CPP upang maagaw ang gobyerno laban sa kontrol ng dayuhan (imperyalismo), kawalan ng lupa ng magsasaka (piyudalismo) at pagpapatakbo ng gobyerno na tila negosyo (burukrata kapitalismo).
- Latest