MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon ng pagbaba ng presyo ng asukal sa susunod na buwan ng Nobyembre.
Ito ay bunsod ng inaasahang pagpasok sa bansa ng mga imported na asukal bukod pa sa unti-unting pag-ani ng tubo ng mga sugar farmers na malaking tulong para maparami ang produksiyon ng asukal na magiging daan na maibaba ang presyo ng naturang produkto.
Umaasa ang sugar consumers na aabot na lamang sa P85 ang kada kilo ng asukal. Sa ngayon ang kilo ng asukal ay pumapalo mula P102 hanggang P134 kada kilo sa mga supermarket at nasa P100 hanggang P106 kada kilo sa mga palengke.
Kaugnay nito, sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na aalaming mabuti ang presyuhan ng lokal na asukal at imported na asukal upang makabuo ng tamang halaga ng ibebentang asukal na hindi lugi ang mga local farmers at hindi naman sasakit ng husto ang bulsa ng local consumers.
Sinasabing oras na dumagsa ang suplay ng asukal sa bansa ay tiyak na bababa ang halaga nito sa mga pamilihan.