86% ng Pinoy nakikitang problema 'fake news'; online influencers pinakasinisisi
MANILA, Philippines — Karamihan ng mga Pilipino (86%) ang naniniwalang problema na ang pagkalat ng maling impormasyon sa bansa ayon sa huling Pulse Asia survey — kadalasan, galing daw ito sa mga naglipanang internet personalities.
Ito ang napag-alaman ng Pulse Asia sa inilabas nilang Ulat ng Bayan survey, Martes, bagay na kanilang ikinasa mula ika-17 hanggang ika-21 ng Setyembre ng taong ito gamit ang harapang panayam.
Kakarampot lang (14%) sa mga 1,200 respondents ng survey ang nagsasabing hindi ito problema sa ngayon sa Pilipinas.
Ganito naman kadalas makabasa/makarinig/makapanood ng disinformation ang mga naaral na sample:
- isang beses sa isang araw (21%)
- ilang beses sa isang linggo (26%)
- isang beses sa isang linggo (17%)
- ilang beses sa isang buwan (25%)
- hindi pa (10%)
- hindi maalala (1%)
Dati nang problema ang disinformation sa internet, dahilan para maglunsad ng sari-saring fact check initiatives ang mga lehitimong peryodista laban sa pagkalat nito.
Naobserbahan na noong madalas pumapabor ang mga nagpapakalat ng "fake news" sa isang grupong pulitikal habang niyuyurakan ang ibang panig gamit din ang kasinungalingan.
Saan nakakapulot ng pekeng impormasyon?
Naobserbahan din ng Pulse Asia na karamihan sa mga Pilipino ang naniniwalang internet o social media ang numerong source ng pekeng impormasyon kung medium ang pinag-uusapan:
- internet o social media (68%)
- telebisyon (67%)
- radyo (32%)
- kaibigan/kakilala (28%)
- kamag-anak (21%)
- community leaders (4%)
- driyaryo (3%)
- religious leader (1%)
Pinaniniwalaan ng mga Pilipino na ang mga sumusunod na grupo o tao ang nagpapakalat ng fake news:
- social media influencers (58%)
- journalists (40%)
- national politicians (37%)
- civic leaders/non-government organization leaders (15%)
- negosyante (11%)
- akademiko, propesor, guro (4%)
"Social media influencers, bloggers, and/or vloggers are seen by most Filipino adults (58%) as peddlers of fake news about government and politics," wika ng Pulse Asia sa kanilang pag-aaral.
Pinaniniwalaan din 'yan ng mga taga-Metro Manila (69%), nalalabing bahagi ng Luzon (67%) at mga parte ng class ABC (69%) at D (58%).
Bagama't 44% ng mga na-survey ang nagsabing sigurado sila kung totoo ang political news na kanilang nababasa o napapanood, 44% naman ang hindi makapagbigay ng diretsong sagot kung lehitimo o hindi ang kanilang kinokonsumong balita.
"The rest of Filipino adults (11%) admit they are not certain about the veracity of news about political and government that they
come across," dagdag pa ng Pulse Asia.
"It is only in Class ABC where the majority sentiment is one of certainty that the political news one consumes is true (52%)."
Sa kabila ng lahat ng ito, 55% pa rin ang tiwalang may abilidad ang mga Pilipino malaman kung totoo o kasinungalingan ang political news na kanilang nae-encounter.
37% ang hindi makapagdesisyon habang 7% ang hindi tiwala sa kapwa nila Pinoy pagdating sa isyu.
Ang naturang survey ay ginawa sa mga 18-anyos pataas sa buong Pilipinas, at may ± 2.8% error margin at the 95% confidence level. Ang subnational estimates naman para sa geographic areas ay may sumusunod na error margines sa 95% confidence level: ± 5.7% para sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
- Latest