Hepe ng PNP Custodial Unit, sinibak!

Former Sen. Leila de Lima speaks to Sen. Risa Hontiveros on October 9, 2022, after she was held hostage in her detention cell in Camp Crame in Quezon City.
Office of Sen. Risa Hontiveros/Released

Sa hostage-taking kay De Lima

MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang hepe ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center matapos ang hostage-taking ng tatlong detainees kay dating Senador Leila De Lima.

Sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin na tanggal sa puwesto si Lt. Col. Patrick Ramillano bilang  bahagi ng standard operating procedure at habang isinasagawa ang imbestigasyon sa nangyaring insidente. Aalamin din ng investigating team ang nagawang kapabayaan ni Ramillano.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sinaksak ng mga detainees na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan, at Feliciano Sulayao Jr. si P/Cpl. Roger Agustin na nagdala ng almusal sa kulungan. Naging maagap ang tower duty na si Pat. Lorenz Matias at binaril sina Cabintoy at Susukan habang napatakbo si Sulayao sa kuwarto ni De Lima at ginawa itong hostage.

Narinig naman sa radio ni Headquarters Support Service Director P/Col.Mark Pespes ang insidente kaya agad itong rumesponde sa lugar at nakipagnegosasyon kay Sulayao na humingi ng mga hammer at helicopter upang makatakas patungong Mindano.

Subalit sa kabila ng maayos na pakikipag-negosasyon ni Pespes patuloy si Sulayao sa kanyang mga demand hanggang sa mabaril  at mapatay niya ito. Ginawaran si Pespes ng Medalya ng Kadakilaan.

Nabatid kay Azurin na kasalukuyang nasa PNP Ge­neral Hospital si De Lima at bantay sarado habang inaayos ang bagong kuwarto nito sa loob pa rin ng custodial center.

Ani Azurin, mas pabor pa rin si De Lima na manatili sa custody ng PNP.

Giit din ni Azurin hindi nila maaaring ilipat si De Lima dahil ito ay nasa desisyon ng korte.

Samantala, dahil sa insidente plano ni Azurin na alisin na ang paggamit ng mga kutsara at tinidor sa pagkain. Ang mga ito ang  mga improvised weapon na ginamit  nina Cabintoy, Susukan at Sulayao sa pananaksak kay Agustin.

Ayon kay Azurin, magkakamay na lamang sa pagkain ang mga preso upang maiwasan ang nasabing insidente.

Aminado si Azurin na aral ito sa buong kapulisan na huwag maging kampante partikular sa pagbabantay ng mga preso. Aniya, dapat na muling ipatupad ang ‘buddy buddy system’.

Sa insidente noong Linggo, tanging si Agustin lamang ang nagdala ng pagkain ng mga preso kaya nakakuha ng pagkakataon ang tatlong detainees. Posible umanong naging tiwala ang pulis sa mga detainee kaya hindi na kinailangan pang magsama.

Show comments