MANILA, Philippines — Isinusulong ni Lone District Sta. Rosa City Rep. Dan Fernandez na mabigyan ng 20% diskuwento sa multa ang mga senior citizens na masasangkot sa paglabag sa trapiko.
Inihain ni Fernandez ang House Bill (HB) 5402 na nagkakaloob ng 20% discount sa mga driver na mga senior citizens kung may nagawa ang mga itong paglabag sa trapiko at kailangang magmulta.
Nilalayon ng nasabing panukala na amyendahan ang Republic Act No. 7432 o ang Senior Citizens Act.
Ipinaliwanag ni Fernandez, Chairman ng House Committee on Public Order and Safety, na sa kabila na mga senior citizens na ay marami pa rin sa kanilang hanay ang nagmamaneho pa rin.
“Elderly Filipinos driving jeepneys and cabs are still common sights on the road. Many seniors also drive their apos to school, in reporting for work or simply as designated driver of the family,” anang Laguna solon.
Gayunman, ayon kay Fernandez dahil matanda na ay mahihina na ang driving reflexes, kakayahan at pakiramdam ng mga senior citizens kaya nasasangkot sa paglabag sa trapiko.
Binigyang diin ni Fernandez na ang mga senior citizens na ang pagmamaneho ang pinagkakakitaan ang dapat mabigyan ng diskuwento sa multa sa paglabag sa trapiko na ipinatutupad ng pamahalaang nasyonal at maging ng local government units.
Inaatasan din dito ang Chief ng Land Transportation Office (LTO) at Chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na lumikha ng Implementing Rules and Regulations (IRR) para sa kaniyang panukala sakaling mapagtibay bilang batas.