Distance learning sa Elementary, HighSchool posibleng palawigin
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na tinatalakay na ng mga miyembro ng Gabinete kung papayagan pa ang elementary at secondary schools na magpatupad ng blended o distance learning paglampas ng Nobyembre 2.
“Sa ngayon ay mayroon pa pong discussions at the Cabinet level kung bibigyan pa rin ba ng options ang mga schools with regard to kung anong klaseng distance learning or mag-i-implement ba sila ng blended learning,” ayon kay Duterte, sa sidelines ng gift-giving event para sa mga day care children sa Mandaluyong City kahapon.
Sinabi ni Duterte na mayroon na silang report na ginagawa ngayon para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makapagdesisyon hinggil sa mga opsiyon na ibibigay sa mga paaralan.
Una nang ipinag-utos ng DepEd na pagsapit ng Nobyembre 2, lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay dapat nagdaraos na ng limang araw na face-to-face classes.
Iminungkahi naman ng Pangulo na payagan pa rin ang blended learning sa ilang ispesipikong lugar.
Pagdating naman sa isyu hinggil sa mga iniulat na may kaso na ng COVID-19 sa ilang paaralan, sinabi ni Duterte na ang mga impeksiyon ay naitatala rin naman sa iba pang nagbukas na establisimyento at hindi lamang sa mga educational institutions.
Aniya pa, sa ngayon ay nakapokus ang DepEd para maiwasan na magkaroon ng surge, sa pamamagitan nang pagbabakuna.
Binigyang-daan pa ni Duterte na ang pagbabalik ng limang araw na face-to-face classes ay mahalagang hakbang na ginawa ng administrasyong Marcos sa unang 100 araw nito.
- Latest