MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P11.5 bilyon para sa One COVID-19 Allowance/Health Emergency Allowance (HEA) claims ng mahigit sa 1.6 milyong kwalipikadong public at private health care at non-health care workers (HCWs).
Sakop ng Special Allotment Release Order (SARO) ang hindi napondohang OCA/HEA claims ng mga health care at non-health care workers para sa Enero hanggang Hunyo 2022.
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na nararapat lamang na suportahan at tulungan ng pamahalaan ang mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan dahil inilalagay nila sa panganib ang kanilang buhay sa gitna pa rin ng umiiral na pandemya.
Una nang inilabas ng DBM nitong Oktubre 3 ang P1.04 bilyon na nakalaan para sa pagbabayad sa nalalabing 55,211 na hindi nababayarang Special Risk Allowance (SRA) ng mga kuwalipikadong HCW at non-HCWs mula Setyembre 2020 hanggang Hunyo 2021.
Kaugnay nito, inuumpisahan nang iproseso ng Department of Health (DOH) ang pamamahagi ng P1.04 bilyon at P11.5 bilyong inilabas ng DBM para sa benepisyo ng mga healthcare workers.
Inihahanda na ang DOH ang mga panuntunan para sa “sub-allotment” at ipinaalam na sa mga “regional counterparts” sa Centers for Health Development (CHDs) na maghanda na ng mga kaukulang dokumento para mapabilis ang disubursement ng mga pondo.
Sa kabila nito, nangangailangan pa rin ang DOH ng dagdag na pondo para mabigyan ng alokasyon ang mga serbisyo na naisagawa ng mga HCWs mula Hulyo 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Base ito sa Republic Act No. 11712 o ang “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act”. — Danilo Garcia