Employers na iniipit 13th month pay huwag i-renew business permit — senador
MANILA, Philippines — Hinihimok ngayon ni Sen. Raffy Tulfo ang Department of Labor and Employment na pumasok sa isang memorandum of agreement sa mga lokal na gobyernong iobliga ang pagbibigay ng 13th month pay bago ang ika-24 ng Disyembre — ito habang hindi nire-renew ang permits ng mga ayaw sumunod.
Ito ang sinabi ni Tulfo, Martes, sa joint hearing ng Senate Committee on labor and Employment at Human Resources Development habang idinidiing dapat i-block ang pagbibigay ng bagong business permits ng mga employer na ayaw sumunod sa batas.
"Magpa-Pasko na po. This is the time of the year kung saan inaasam ng ating mga manggagawa na makatanggap po sana sila ng kanilang 13th month pay," wika niya kahapon.
"Ang nangyayari po kasi kadalasan ay hindi naibibigay ito sa kanila dahil ginugulangan at dinudugasan sila ng kanilang mga employers."
Sa ilalim ng Presidential Decree 851, kailangang makuha ng mga empleyado ang kanilang 13th month pay bago pa man o sa mismong araw ng ika-24 ng Disyembre taun-taon. Sa kabila nito, maraming mga negosyo ang hindi nagbabayad ng government-mandated compensation na ito.
Bilang isang beteranong broadcaster, sinabi ni Tulfo na marami na siyang nakuhang reklamo mula sa mga manggagawang Pilipino na hindi nakatatanggap ng nasabing karampatang bayad.
Dagdag pa niya, magandang magpresenta muna ang lahat ng kumpanya ng ebidensya sa BPLO na naibigay na nila ang naturang bayad at nang naibigay ito sa tamang panahon bago makakuha ng panibagong business permit.
Aniya, hindi na raw kasing uubra na maglalabas lang ang advisory sa mga employers na iupinagkakait ang naturang karapatan.
"Hangga't hindi po sila nasasaktan, balewala po 'yang advisory na yan dahil kahit nga may batas na tungkol sa 13th month pay ay sinusuway pa din ito ng mga employers," dagdag pa ng senador.
"Kailangan po makatikim sila ng consequence para sila po ay umaksyon."
Setyembre lang nang ipanukala ng mambabatas na dapat maglagay maglagay ang DOLE ng mga karatula sa labas ng bawat pagawaan, construction site atbp. lugar ng trabaho patungkol sa pagbibigay ng 13th month pay, computation ng overtime at holiday pay at hotline ng kagawaran na pwedeng tawagan ng mga inaargabyadong manggagawa. — James Relativo
- Latest