MANILA, Philippines — Pumalag ang isang senador sa panukala ng ilan na isailalim sa sapilitang "drug tests" ang mga artista bago ang mga proyekto dahil sa paglabag daw ito sa karapatang pantao — kung dapat itong gawin, sa opisyal ng gobyerno na lang daw.
Ito ang sinabi ni Sen. Robinhood Padilla, Lunes, matapos manawagan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na isailalim sa drug test ang mga celebrities.
Related Stories
Nangyayari ito ilang araw matapos maaresto ang aktor na si Dominic Roco sa isang buy-bust operation, kung saan nakumpiska raw ang shabu at marijuana.
"Tayo ay nakikiisa sa layuning maprotektahan ang ating mga kababayan sa kapahamakan ng iligal na droga. Kasama na rito ang mga kapwa kong artista," ani Padilla sa isang pahayag kamnina.
"Nguni't hindi maaaring obligahin ang sinuman na magpa-drug test, dahil maaaring labag ito sa kanilang karapatang pantao. Mas mainam kung boluntaryo ang kanilang drug test - para na rin ito sa kanilang kapakanan at kaligtasan."
Kung magkakaroon daw ng mga testing, mainam na ang mga employer daw ang gumastos dito kaysa ang mga nagtratrabaho.
Kilalang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nanguna sa madugong gera kontra droga, si Padilla.
Sa kabila nito, matatandaang inihain ni Padilla ang Senate Bill 230 na layong lawing ligal ang paggamit ng marijuana bilang panlaban sa ilang karamdaman.
"Sa kabilang dako, mas nararapat na sumailalim sa drug test ang ating mga opisyal at kawani ng pamahalaan - na may tungkuling magbigay ng mabuting halimbawa para sa kapwa nating Pilipino," dagdag pa ni Padilla, na kilalang actor-turned-politician.
Hindi lang mga artista ang gusto ni Barbers na maging sakop ng mandatory drug tests: kasama na riyan ang mga direktor, producer, script writers, atbp. na may kinalaman sa television at film production.
Aniya, ito'y dahil maimpluwensya ang mga celebrity at maaaring gayahin ng kabataan para tumikim ng narcotics.
Dati nang sinubukan ng Commission on Elections na i-require sa mga kumakandidato tuwing eleksyon ang drug testing, ngunit pinigilan na sila noon ng Korte Suprema.
Matatandaang nagparinig si Duterte noong may kumakandidato sa pagkapangulo nitong 2022 national elections na gumagamit diumano ng cocaine.
Matagal nang gustong magsagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency ng mandatory drug testing para sa mga batang nasa Grade 4 pataas.
Gayunpaman, sinabi na ng Department of Education na pinapayagan lang ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang drug testing para sa mga nasa hayskul at kolehiyo.