MANILA, Philippines — Nasa 433 mapalad na mananaya ang maghahati-hati sa mahigit P236 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Sabado ng gabi.
Ayon kay PCSO Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng lottery sa bansa at maging sa buong mundo, na umabot sa 433 mananaya ang nagwagi sa lotto.
Ani Robles, nahulaan ng mga bettors ang winning combination na 09-45-36-27-18-54 kaya’t paghahatian nila ang katumbas nitong total jackpot prize na P236,091,188.40 o tig-P545,245.23.
Mayroon din namang 331 mananaya na nagwagi ng second prize na tig-P100,000 para sa nahulaang limang tamang numero.
Kaugnay nito, tiniyak ni Robles na walang iregularidad o manipulasyon na naganap sa naturang lotto draw.
Aminado si Robles na maging sila ay ‘napalundag’ sa resulta ng bola kaya’t kaagad nilang pinag-aralan ang nangyari.
Dito aniya nila natuklasang talagang posible itong maganap dahil marami talagang bettors ang nag-aalaga ng numero.
Naglabas din naman ng datos ang PCSO hinggil sa bilang ng mga mananaya na pare-pareho ang inaalagaang numero, partikular na ang six-digit winning combination na lumabas para sa Grand Lotto 6/55.
Giit niya, ang lotto ay ‘games of chance’ at walang siyensiya o istatisika na maaaring gamitin upang matukoy kung ano ang mga tatamang numero at kung may mananalo dito o wala.
Isinasagawa rin aniya nila ang pagbola sa presensiya ng mga kinatawan ng Commission on Audit (COA) at naka-telecast ng live sa PTV 4.
Gayundin, naka-stream din ito ng live sa kanilang PCSO official Facebook page, PCSO Games Hub FB Page, PCSO YouTube at sa PTV4 FB Page.
Kaugnay nito, pinasalamatan din naman ni Robles ang media at publiko dahil sa pagiging vigilante ng mga ito upang matiyak na walang daya ang kanilang mga palaro, para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Samantala, siniguro rin naman ni Robles na welcome sa kanila ang pahayag ni Sen. Koko Pimentel na maghahain siya ng resolusyon upang maimbestigahan ng Senado ang naturang pangyayari.