4 hrs/day teaching time, hirit ng mga guro
MANILA, Philippines — Umaapela ang isang grupo ng mga guro sa Department of Education (DepEd) na bawasan ang oras ng pagtuturo ng mga public school teachers at gawin itong apat na oras na lamang kada araw.
Sa isang pahayag, sinabi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines spokesperson Ruby Bernardo na hindi makatao ang walang tigil na pagtuturo ng mga public school teachers ng anim na oras kada araw.
Ayon kay Bernardo, may ilang guro ang kinakailangan pang tapusin ang ibang trabaho at lumalampas ng anim na oras kada araw.
Umapela rin si Bernardo sa DepEd na bigyan ng sapat na panahon ang mga public school teachers upang makapaghanda ng kanilang aralin, i-check ang mga outputs, mag-compute ng grado ng mga estudyante at i-monitor ang progreso ng kanilang mga mag-aaral upang makapaghatid ng de kalidad na edukasyon.
“It is equivalent to 6 to 9 classes handled daily for 40 minutes to one hour class time, depending on the subject taught. Dapat i-konsidera rin na ang mga klaseng ito ay bumibilang mula 45 hanggang 60 estudyante o higit pa,” ani Bernardo.
“Sobrang piga na sa pagod ang ating mga guro pagkatapos ng maghapon na pagtuturo, at ang nalalabing dalawang oras ng trabaho sa isang araw ay napupunta pa sa paggawa ng mga reports at non-teaching duties,” aniya pa.
Alinsunod sa Magna Carta for School Teachers, ang teaching hours ay dapat anim na oras kada araw.
Una nang sinabi ng DepEd na gumagawa na sila ng paraan upang mabawasan ang trabaho ng mga guro, kabilang dito ang pagbabawas o tuluyan nang pagtatanggal sa kanila ng administrative at special tasks of teachers.
- Latest