P9.031 bilyong pondo ng OP, lusot sa plenaryo

MANILA, Philippines — Inaprubahan na sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara ang P9.031 bilyong pondo ng Office of the President (OP) para sa susunod na taon.

Dumalo sa deliberasyon ng badyet nitong Miyerkules ang bagong talagang si Executive Secretary Lucas Bersamin kung saan si Lone District Navotas City Rep. Toby Tiangco ang nagsilbing isponsor ng P9.031 panukalang pondo ng OP.

Sa interpelasyon ni 1st District Edcel Lagman, hiniling nito sa mga kasamahang mambabatas na ikonsidera ang paglilipat sa P4.5 bilyong confidential at intelligence fund ng OP.

Gayundin ang nasa P9.2 bilyong confidential at intelligence fund ng iba pang mga ahensya ng gobyerno.

Binusisi ni Lagman ang confidential at intelligence fund ng OP kung saan iginiit nito na kailangang maging makatwiran at matipid ang Kongreso sa paglalaan ng naturang pondo lalo na at maraming mahahalagang ahensya at programa ang ‘zero budget’ na nangangailangan ng pondo para sa susunod na taon.

Kabilang sa mga programang ito ang SPED program, Sitio Electrification, Libreng Sakay, Pantawid Pasada Program, Cancer Prevention and Treatment Program, pagtatayo ng Freedom Museum, Reproductive Health and Fa­mily Planning, pag-imprenta ng mga plaka at maliit na pondo ng Commission on Human Rights.

Tiniyak naman ni ­Tiangco na ang lahat ng item sa panukalang pondo ay kinakailangan at nasa katwiran para mapagsilbihan ang interes ng mamamayang Pilipino.

Show comments