Facebook post ni Badoy vs Manila judge, sisilipin ng PNP

This file photo shows Lorraine Badoy-Partosa attending a congressional hearing.

MANILA, Philippines — Iimbestigahan ng Philippine National Police  (PNP) si dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lorraine Badoy hinggil sa Facebook post nito laban sa pagbasura ni Manila Regional Trial Court Branch 19  Judge Marlo Magdoza-Malagar sa petisyong ideklarang mga terorista ang  Communist Party of the Philippines and the New People’s Army (CPP-NPA).

Ito ang sinabi ni Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma sa pagpapatuloy ng budget hearing para sa P251-billion proposed budget ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa 2023. Sakop ng DILG ang PNP.

Unang kinuwestiyon ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel ang post ni Badoy na “If I kill this judge and I do so out of my political belief, then please be lenient with me.” Pagbabanta umano ito sa buhay ni Malagar.

Aniya, nagpahayag din si Badoy ng planong pagbubuo ng isang organisasyon na magpapasabog sa  tanggapan ng mga umano’y corrupt na huwes at kaibigan ng mga terorista.

Naniniwala si Manuel na dapat lamang na arestuhin si Badoy dahil inilalagay nito sa panganib ang buhay ni Malagar. Hindi rin anya dapat ginagawang biro ang ‘pambobomba’.

Show comments