DDR bill, mandatory evacuation center, i-push na – Bong Go
Sa pananalasa ni Karding
MANILA, Philippines — Pinamamadali na ni Senador Bong Go ang pagsasabatas ng panukalang pagtatatag ng Department of Disaster and Resilience (DDR) bill matapos ang pananalasa ng super typhoon Karding sa bansa.
Ayon kay Go, isa sa may akda ng Senate Bill 188 na bubuo sa DDR, kailangan ng isang departamento na tututok sa paghahanda at pagtugon ng gobyerno sa mga kalamidad tulad ng bagyo.
Paliwanag ni Go, sa ilalim ng panukala bibigyan ng hazard pay ang mga tumutugon sa kalamidad tulad ng mga first responders at local disaster resilient officers.
Muli ring isinulong ng senador ang panukalang pagtatayo ng evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan at munisipalidad sa buong bansa. Ang SBN 193 ay naglalayong matiyak na ang mga pamilyang naapektuhan ng sakuna ay maaaring sumilong sa mga ligtas na evacuation center na may mga pangunahing pangangailangan.
Alinsunod sa mga detalye ng National Building Code of the Philippines, ang mga evacuation center ay dapat idinisenyo na kayang-kaya ang super typhoon o bilis ng hangin na hindi bababa sa 300 kilometro bawat oras at aktibidad ng seismic na hindi bababa sa 8.0 magnitude.
Kaya habang wala pa ang batas ay nanawagan siya sa Malakanyang na magbigay na ng hazard pay sa first responders tulad ng pagbibigay noon ni pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng hazard pay sa health care workers habang nasa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Siniguro naman ni Go na mabibigyan ng mga kaukulang tulong ang mga naulila ng limang rescuer na nasawi.
- Latest