5 rescuers sa Bulacan, patay kay ‘Karding’
MANILA, Philippines — Sa gitna ng pagtupad sa tawag ng tungkulin, limang rescuers ang namatay sa kasagsagan ng hagupit ni Super Typhoon Karding nitong Linggo ng gabi sa San Miguel, Bulacan.
Kinilala ang mga nasawing sina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agustin pawang mga miyembro ng Bulacan Provincial Rescuer.
Sa report ni San Miguel acting chief of police PLtCol. Romualdo Andres, bandang alas-7 ng umaga nitong Setyembre 26, nang madiskubre sa magkakahiwalay na lugar ang wala ng buhay na mga rescuers sa Sitio Banga-Banga, Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Bulacan Gov. Daniel Fernando, magdadala sana ng tulong sa mga naapektuhang pamilya sa Obando Evacuation area ang mga biktima nang masiraan at tumirik ang truck na kanilang sinasakyan.
Dito ay nagpasya ang lima na sumakay na lamang ng bangka. Habang nasa kasagsagan ng paghahanda ng kanilang life boats ang limang biktima nang biglang rumagasa ang flash floods sa kanilang kinaroroonan na nagpaguho ng isang pader na siyang naging dahilan ng pagdaloy ng malakas na tubig baha na umanod sa kanila.
Nabatid na idineploy ang mga miyembro ng PDDRMO dakong alas-4 ng umaga para iligtas ang ilang residente sa Barangay Tigpalas at Kamias ng nasabing bayan.
Bukod sa personal na tulong ni Fernando, bibigyan ng mataas na parangal ang limang rescuers gayundin ang kanilang mga pamilyang naulila.
Bumuhos naman ang pakikidalamhati sa mga namatay na rescuer na anila’y mga maituturing na bayani.
Samantala, isang 70- anyos na lalaki ang nasawi nang matabunan ang kanyang bahay sa landslide sa Burdeos, Quezon habang nasugatan ang isang barangay kagawad sa Polilio.
Batay sa ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director Lt.Col. Ledo Monte, kinilala ang nasawi na si Eli Alberto ng Sitio Subok, Barangay Aluyon, Burdeos, Quezon.
Sugatan si Barangay Kagawad Jonathan Santoalla ng Barangay Banadero, Polilio, Quezon nang mahulog habang kinukumpini ang bubong ng kanilang bahay bilang paghahanda sa bagyo nang madulas ito at mahulog. — Omar Padilla, Tony Sandoval
- Latest