Alyansa ng Pinas at US muling pinagtibay
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay US President Joe Biden na manatiling kaibigan, kaalyado at kasosyo ng Pilipinas ang Amerika.
“We are your partners, we are your allies, we are your friends. And in like fashion, we have always considered the United States our partner, our ally and our friend,” ani Marcos kay Biden sa kanilang bilateral meeting sa New York City.
Sinabi ng Pangulo na ang relasyon ng dalawang bansa ay mahigit na sa 100 taon at patuloy na umuunlad sa kabila ng hamon ng bagong siglo at iba’t ibang mga kaganapan.
Mahigit sa apat na milyong Pilipino ang kasalukuyang naninirahan sa US, habang halos 300,000 Amerikano, kabilang ang malaking bilang ng mga beterano ng militar ng US ay nakatira sa Pilipinas.
Ipinaabot din ni Marcos kay Biden na ang Maynila ay labis na nagpapasalamat sa Washington D.C. para sa napakalaking tulong nito sa Pilipinas sa gitna ng COVID pandemic kabilang ang donasyon nito ng mga bakuna.
Binanggit din niya ang papel ng US sa pagpapanatili ng kapayapaan, at sinabing ito ay isang bagay na lubos na pinahahalagahan ng lahat ng mga bansa sa mga rehiyon.
Kinilala naman ni Biden na ang relasyon ng US sa Pilipinas ay may “malalim na ugat.”
“Our foundations are strong with the US-Philippine alliance which has critical importance. For decades, our alliance has strengthened both of us I believe and one of the things we want to talk about today is how we continue to strengthen it and work together on the things that have greatest concern to you,” ani Biden.
Tinalakay din ng dalawang lider ang isyu sa South China Sea, Russia-Ukraine crisis, pagtaas ng presyo ng enerhiya at pagkain, at kahalagahan ng paggalang sa karapatang pantao.
- Latest