40K POGO workers, ibabalik sa China - DOJ

Undated photo shows of guards check the temperature of Chinese POGO workers in Parañaque City.
STAR / Edd Gumban

MANILA, Philippines — Nakatakdang makipagpulong ngayon si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa mga opisyal ng Chinese Embassy ukol sa repatriation ng nasa 40,000 Chinese nationals na nawalan ng trabaho sa bansa dahil sa pagpapasara sa 175 Philippine Offshore Ga­ming Operators (POGO).

Sinabi ni DOJ Assistant Secretary at Spokesperson Jose Dominic F. Clavano IV na ihahain ni Remulla ang pinaka nararapat na aksyon para sa mga Chinese nationals na nananatili pa rin sa bansa at ang kanselasyon ng mga POGO companies. 

Ito ang magiging kauna-unahang pulong ng DOJ sa mga opisyal ng China ukol sa isyu ng POGO.

“There must be a coordinated effort between the two countries to bring them back to China given that they have no more basis to stay here in the Philippines,” saad ni Clavano.

Una nang sinabi ni Remulla sa Senado na lilikha ng ‘humanitarian crisis’ ang pagpapasara sa mga POGO dahil sa mahigpit na polisiya ng China sa pagpapabalik sa kanilang mga mamamayan na nagtrabaho sa mga ‘gambling companies’ sa labas ng kanilang bansa.

Mahigpit umano nga­yon ang protocol ng China sa muling pagtanggap ng kanilang mga mamamayan. Patunay nito ang hirap sa pagpapabalik sa mga Chinese citizen na nadakip noong 2020 na sinira pa ang kanilang mga pasaporte ng mga awtoridad ng China.

Matatandaan din na maraming mambabatas ngayon ang nananawagan na ipahinto na ang operasyon ng POGO sa bansa dahil sa mga idinudulot na serye ng kidnapping, panunuhol at pagtaas ng iba pang krimen sangkot ang mga Tsino. 

 

Show comments