Savings ng gobyerno gamitin sa ‘Libreng Sakay’

MANILA, Philippines — Dahilan sa napipintong­ pagtaas na naman ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan, umapela si 2nd District Quezon City Cong. Ralph Tulfo na gamitin ang savings ng mga ahensya ng gobyerno sa ‘Libreng Sakay Program’.

Ayon kay Tulfo, ito’y upang maipagpatuloy ang programa at ng matulungan ang mga mamamayan partikular na ang mga mahihirap na matinding naapektuhan ng COVID -19 pandemic.

“Ikinalulungkot ko ang pagtaas ng pamasahe sa iba’t ibang pampublikong sasakyan. Bagaman batid kong kailangan ito upang ma­kaagapay ang mga driver at operator sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pabigat naman ito sa mga mahihirap, nagtatrabaho, at mga MSMEs (Micro Small Medium Enterprises)”, pahayag ni Tulfo.

Aniya, sa isang iglap na desisyon ng LTFRB (Land Transportation Franchising­ and Regulatory Board), ma­laking halaga agad ang nabawas mula sa ipinatupad na umento sa minimum wage at dagdag sa patuloy na epekto ng inflation sa pang-araw-araw na budget ng pamilyang Pilipino.

Sinabi ni Tulfo na kulang talaga ang Libreng Sakay sa light rail na limitado lang sa mga estudyante at ang mangilan-ngilang libreng pamasahe sa ilang unit ng bus carousels sa EDSA.

Sa katunayan, ayon kay Tulfo marami sa mga kadistrito ko sa Quezon City 2nd District ang tiis-pagod sa pagbibisikleta o paglalakad makarating lang sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

“Pakiusap ko sa national government na ang mga savings nila sa kanilang mga budget ngayong 2022, ay ilaan sa Libreng Sakay. Ibalik nila ang savings­ sa general fund ng National­ Treasury upang doon maaaring kunin ng Department­ of Transportation ang dagdag budget ng Libreng Sakay at service contracting sa mga bus at PUJs,” apela ni Tulfo.

Samantalang nakiusap rin ang mambabatas sa iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno na magsakripisyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang 2022 savings mula sa kanilang pondo sa DOTr Libreng Sakay dahilan limitado lamang ang free rides sa mga estudyante sa Light Rail Transit (LRT) ay hindi sapat upang maibsan ang matinding epekto nito sa fare hikes dulot ng pagtaas ng presyo ng fuel at inflation.

Show comments