MANILA, Philippines — Wala pa sa ‘endemic stage’ ang Pilipinas pagdating sa COVID-19 kaya hindi pa nararapat na magkumpiyansa ang mga Pilipino dahil sa maaari pang muling tumaas ang mga kaso sa mga susunod na buwan.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na dapat ay nasa “acceptable” na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na lang ang naitatala sa bansa at mataas na rin dapat ang vaccination coverage o immunity sa kabuoang populasyon bago maikunsidera ang ‘endemic stage’.
Kamakailan ay sinabi ng World Health Organization na ang endemic stage ay nangangahulugang mayroon pa ring hawaan ng COVID-19 ngunit mas kontrolado na kumpara sa pandemic stage.
Sa kabila umano na nasa stable na ang mga nadaragdag na bagong kaso ng COVID-19, nananatili pa ring mababa ang booster vaccination coverage sa bansa, katwiran ni Vergeire.
Kailangan pa rin ng pamahalaan na pagtrabahuhan ang pagpapataas sa booster vaccination para tumaas ang ‘wall of immunity’ sa suporta ng mamamayan kung nais talaga ng mga Pilipino na mapigil na ang COVID-19.