Namatay sa rabies, tumaas ng 20%

Sinabi ni Public Health Service Team Officer-In-Charge-Undersecretary Dr. Beverly Ho sa panayam ng Dobol B TV nitong Sabado na tumaas ng 20% ang kaso ng mga nasawi kumpara noong nakalipas na taon sa parehong panahon.
Philstar.com/File

MANILA, Philippines — Nasa 237 ang nasawi sa rabies na naitala mula nitong Enero hanggang Agosto, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Public Health Service Team Officer-In-Charge-Undersecretary Dr. Beverly Ho sa panayam ng Dobol B TV nitong Sabado na tumaas ng 20% ang kaso ng mga nasawi kumpara noong nakalipas na taon sa parehong panahon.

“Dati from January to August ang number natin ay 199, halos 200 tao ang namatay... Ngayon nasa 237,” ani Ho.

Karamihan aniya sa kaso ng rabies ay mula sa kagat ng mga aso.

“’Yung pets hindi rin natin alam kung saan-saan sila dumadayo, pumupunta. Talagang may chance pa rin na kahit may bakuna sila, maaari pa rin silang makakuha at magtago ng rabies virus sa loob ng katawan nila,” paliwanag niya.

Hinimok ni Ho ang mga pet owner na maging responsable sa pamamagitan ng pagpapabakuna sa mga alagang hayop, iwasang galitin ang mga ito at itali malayo sa mga bisita.

Una nang sinabi ng DOH na may 100% fatality rate ang rabies.

Show comments