Mas matinding trapik sa Metro Manila asahan - DPWH
MANILA, Philippines — Asahan na ang pagsisikip ng daloy ng trapiko kaugnay ng malawakang rehabilitasyon na isasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Sa kaniyang pagharap sa budget briefing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na plano ng departamento na magsagawa ng malawakang rehabilitation program sa Metro Manila para magluwag ang mga kalsada sa mga dumaraan at bumibiyaheng motorista.
“This will include yung sabi nga ninyo mga preventive maintenance, overlays, asphalt overlay, certainly yung provision of specific lanes for motorcycles and rider... We will discuss this with the Metropolitan Manila Development Authority,” ayon kay Bonoan na aminadong pansamantalang magsisikip ang daloy ng trapiko pero magiging maayos rin ang lahat kapag natapos na ang proyekto.
Ang DPWH ay may nakalaang P675.38 bilyong pondo sa imprastraktura para sa 2023.
Pinuna naman ng Congressional Planning and Budget Research Development (CPBRD) ang pagbaba ng pondo ng DPWH sa P88.5 bilyon sa susunod na taon mula sa dating P117.5 bilyon noong 2022.
Kaugnay nito, pinuna naman ni House Majority Minority Leader Bernadette Herrera ang mga hindi nagamit na pondo ng DPWH pero mayroon itong mga unfunded o walang pondong mga proyekto.
“Meron ho tayong unreleased appropriation na P39 billion and unobligated na allotment na P48 billion nung 2021 at ang pinakamasakit po nag-remit tayo ng overall savings na P3.4 billion noong 2021, para po sa amin na nagkakandarapang mapondohan ang mga priority projects pero masakit na hindi ito nagamit,” ani Herrera.
- Latest