‘Di na pagsusuot ng face mask ng mga estudyante, pag-aaralan muna ng DepEd

Grade 1 student of St Mary Elementary school in Marikina City during face to face class (June 20, 2022).
Walter Bollozos

MANILA, Philippines — Hihingi muna ng patnubay ang Department of Education (DepEd) mula sa Department of Health (DOH) upang pag-aralan ang mungkahi ng OCTA Research Group na huwag nang pagsuotin ng face mask ang mga estudyante.

Sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng DepEd, hindi nila basta-basta kakagatin ang rekomendasyong ito ng OCTA dahil ang kalusugan ng mga estudyante ang nakasalalay dito.

Inirerekomenda ng naturang grupo na huwag ng magsuot ng face mask ang mga bata dahil maaari umanong makaapekto ito sa respiratory system ng isang bata kapag matagal na oras na nakasuot ang mga ito ng face mask.

Una na rin naglabas ng Executive Order ang Malakanyang na optional na lamang ang pagsusuot ng face mask subalit ito ay para sa mga outdoor at open space na lamang.

Ayon sa DepEd, ang rekomendasyon ng DOH ang kanilang susundin bago ­ipatupad ang anumang mungkahi na gawing optional ang pagsusuot ng face mask.

Niliwanag din ng DepEd na maglalabas ang ahensiya ng updated guidelines sa paggamit ng face mask sa mga paaralan.

Nakikipag-ugnayan din ang DepEd sa DOH hinggil sa paggawa ng adjustment sa ipatutupad na health protocol dahil mayroon ding mga open spaces sa mga paaralan.

Gayunman, sinabi ni Poa na ang pagsusuot ng face masks ay required pa rin dahil ang klase naman ay isinasagawa sa loob ng silid-aralan.

Show comments