MANILA, Philippines — Muling binuhay ng Anakpawis party-list ang panawagang i-repeal ang Republic Act 11203 o Rice Liberalization law kasabay ng pagsadsad daw ng farm gate prices ng palay sa P13/kilo sa Nueva Ecija — bagay na nagpalobo raw nang husto sa lugi ng mga magbubukid.
Ito ang sinabi ni Anakpawis national president Ariel Casilao, Biyernes, lalo na't walang humpay ang gastos sa produksyon gaya ng fertilizers, fuel at iba pang input. Kaugnay nito, nananatiling bankrupt aniya ang mga magsasaka habang lumalabo ang pag-abot sa food self-sufficiency ng Pilipinas.
Related Stories
"Nang inilabas na ang mga datos sa volume and value of production noong 2020, nalugi na ang mga magsasaka nang mahigit P136 bilyon, sa datos ng 2021, lumalabas na lumaki pa ito at umabot na P206.6 bilyon, sa ilalim ng Rice Liberalization Law regime," ani Casilao.
Agosto lang nang sabihin ng Philippine Statistics Authority na umabot sa P17.58 kada kilo ang average farmgate price ng palay sa buong Pilipinas.
Dati nang napupuna ang bilyun-bilyong pagkalugi ng mga Pinoy na magsasaka dahil sa pagli-liberalisa ng industriya ng palay, na siyang bumaha sa merkado ng imported rice mula sa ibang bansa kapalit ng taripa.
Bago ipatupad ang R.A. 11203, sinasabing nasa P18.55/kilo ito noong 2016 hanggang 2018. Umabot pa nga raw ito ng P20.19 noong 2018.
Pero mula 2019 patungong 2019, bumagsak daw ito ng 17% patungong 16.71/kilo. Lalo pa raw itong bumulusok noong 2020 sa P16.52 at pumalo pa sa P16.67/kilo noong 2021.
Ang farmgate price ay tumutukoy sa presyong natatanggap ng mga magsasaka mula sa pagbebenta ng kanilang ani. Iba ito sa presyo kapag dumarating na sa palengke o pamilihan.
Sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas, pinakamababa ang farm gate price ng palay sa Caraga na nasa P15.67/kilo para sa buwan ng Abril hanggang Hunyo 2022, ayon sa PSA.
"Malaking isyu ang pagbagsak ng presyo ng palay, dahil kada piso nito, ang bunga nito sa kabuuang value of production ay pagkawala ng P18.8 hanggang P19.9 bilyong dapat napunta sa mga magsasaka sa bansa," paglilinaw ni Casilao.
'Landlords nakikinabang sa presyo'
Iginigiit ngayon ng Anakpawis na ine-empower ng naturang batas ang mga landlords at traders na tumabo ng malalaking kita sa pamamagitan ng pagbababa ng farm gate prices.
Bumaba rin daw ang rice self-sufficiency ng bansa sa 80% noong 2019 at 85% lang noong 2020, pruweba diumano na ina-undermine ng batas ang kapasidad ng bansa na mag-produce ng sariling kanin para sa kapakinabangan ng populasyon.
"Yaong mga ganitong value, price and profit sa rice sector sa bansa, pawang talo ang mga magsasaka, at panalo ang mga panginoong maylupa, malalaking trader at importer, courtesy of the Rice Liberalization Law," dagdag pa ni Casilao.
"Dapat itong bulatlatin ng kongreso, dahil dudulo ito sa malawakang kagutuman, pagkalugi ng mga magsasaka at pagbagsak ng produksyon ng palay."
Matatandaang bahagi ng campaign promise ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang pagpapamura ng presyo ng bigas sa merkado sa P20/kilo, na siyang mapapakinabangan dapat ng mamimili.
Sa kabila nito, binalaan nitong Mayo 2022 ng Fitch Ratings na pwedeng magbunsod ng "rating downgrade" ang pag-amyenda sa R.A. 11203.