MANILA, Philippines — Nasakote ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang suspek matapos daw mambihag ng babaeng Malaysian national na nagtungo sa Pilipinas para sa nobyong nakilala sa isang online dating app.
Lunes nang maaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang suspek na si Justin Alaraz, 28-anyos, sa salang kidnapping sa biktimang si Lim Voon Pei, 35-anyos, na isang Malaysian national.
Related Stories
"Ang biktima po ay pumunta ng Pilipinas para makita ang boyfriend na na-meet sa isang dating app ngunit mula sa airport ay dinala ito sa Carmona, Cavite at doon ay ikinulong," ani Interior Secretary Benjamin Abalos Jr., Martes.
"Ayon sa ulat ng PNP... Setyembre 12 ay nakatanggap ng tawag ang Anti-Kidnapping Group at Aviation and Security Group ng PNP na papunta sa NAIA Terminal 2 ang suspek na si Alaraz tangay ang biktimang Malaysian national."
Ika-9 ng Setyembre nang sunduin diumano ng Malaysian-Chinese national na "kasabwat" ni Alaraz ang biktima pagdating sa Pilipinas bago dalhin sa Carmona.
Sinasabing naaresto na rin ang kasabwat, ayon sa state-run PTV4. Pinagtrabaho rin daw sa isang unregistered Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) company ang biktima dahilan para tignan ang posibilidad na kaso rin ito ng human trafficking.
"Pati 'yung POGO company pinaiimbestigahan namin at ipapasara namin," dagdag pa ni Abalos.
Miyerkules lang nang sabihin ni PNP chief Rodolfo Azurin sa interbyu ng DZRH na iniutos sa kanila ni Abalos na kapanayamin ang kakilala ng biktima, na siyang nakakaalam daw ng detalye ng pagkakakidnap.
Ito raw ang dahilan kung kaya' na-rescue agad ang biktima at naaresto ang mga suspek.
"Pagdating sa pupuntahan, wala na pong contact sa biktima. So nag-worry po 'yung kaibigan niya so ini-report po doon sa ating kapulisan. In return, nag-formulate naman tayo agad ng team," ani Azurin.
"Napakaganda naman po dahil agad-agad po ay naireport po sa ating pulis kaya na-rescue naman agad-agad 'yung biktima," ani Azurin.
Nagbabala rin si Abalos sa mga kriminal na hindi natatakot sa paggawa ng masama na patuloy nagiging banta sa kaligtasan ng bansa.
Aniya, hindi titigil ang PNP at administrasyon hangga't sila nasusukol at nabubulok sa kulungan.
Marso 2021 lang din nang maaresto sa Las Piñas City ang siyam na kalalakihan matapos diumano kidnapin ang isang Chinese national na si Chen Zhi Jhang na siyang gumamit din ng isang dating app.
Hulyo lang ngayong taon nang maaresto rin ang apat na kalalakihan matapos diumano kidnapin ang isang Malaysian na nagngangalang Cheong Hock Nian, isang POGO employee rin. Na-rescue ang nabanggit sa Tagaytay, Cavite.