Marcos, nagtanim ng puno sa kanyang ika-65 kaarawan
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kick-off ceremony para sa tree planting project sa Region 4-A (Calabarzon) na tinaguriang “Buhayin ang Pangangalaga ng Kalikasan” na itinaon sa kanyang ika-65 kaarawan sa dating sanitary landfill sa Pintong Bukawe Village sa San Mateo, Rizal.
Sa kanyang talumpati sinabi ni Marcos na idinaos ang tree planting activity para maging mas makabuluhan ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
“Kaya naman ay pinili namin sabi ko siguro ang pinakamaganda ay para ‘yung kaarawan ko ay maging mas makabuluhan at talagang may dahilan na tayo ay mag-celebrate ay sabi ko gawa tayo ng greening tree planting at ‘yan naman talaga ay ang pinakaimportanteng isyu hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo ngayon,” ani Marcos.
Iisa lang aniya ang mundo at dapat matiyak na patuloy itong mabubuhay sa mga darating na panahon.
Idinagdag ng Pangulo na dapat gumawa ng mga konkretong hakbang para sa kalikasan.
“Kailangan nating gawin ito bilang isang konkretong hakbang na ating gagawin upang ang kalikasan ay mapangalagaan dahil ito ay lubhang nangangailangan ng pangangalagang iyon at ito ay lubhang nangangailangan ng atensyon. , isang nationwide simultaneous tree planting activity,” dagdag niya.
Layunin ng tree planting program na makapagtanim ng mahigit 8,000 seedlings at bamboo planting stocks sa ilang bahagi ng Calabarzon.
Matapos magbigay ng kanyang talumpati, nagtanim si Marcos ng stock ng kawayan.
Pinasalamatan din ni Marcos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Department of the Interior and Local Government at ang Department of Agriculture sa pag-organisa ng event.
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa civil society at non-government organizations na lumahok sa sabay-sabay na tree planting activity.
Bukod sa lumang sanitary landfill sa San Mateo, kabilang sa iba pang tree planting sites ang Taytay village sa Majayjay, Laguna; Trece Martires City sa Cavite; Kinalaglagan Mataas na Kahoy sa Batangas; at Sta. Lucia village sa Dolores, Quezon.
- Latest