MANILA, Philippines — Hati pa rin ang mga local government units sa bagong polisiya ng gobyerno ng pagluluwag sa face mask requirements — bagay na naobserbahan ng Department of Health sa maagang pagpapatupad nito.
Lunes lang nang ianunsyo ng Malacañang na pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order 3, na siyang nagpapahintulot sa boluntaryong pagsusuot ng face masks kontra COVID-19 sa mga pampublikong lugar na hindi siksikan at may magandang bentilasyon.
Related Stories
"The first day of implementation... actually in-announce pa lang natin ito, marami nang local governments na nagtatanong sa atin kung pwede na nilang ipatupad," wika ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, Martes.
"'Yun namang ibang local governments, they wanted also that they would still stick to the existing restrictions na hindi pa rin sila papayag na walang masks ang mga tao."
"Mixed ang reaction ng ating mga local governments. But yesterday during the issuance of the E.O., this is personal observation... nakita natin na marami pa rin po ang naka-mask sa labas ng kalye, doon po sa mga pinupuntahan nating public spaces."
Sa kabila nito, nakakakita na raw sila nang maraming residente na hindi nagsusuot ng face masks lalo na 'yung mga malalapit sa bahay o 'di kaya 'yung mga nasa maluluwag na erya.
Umaasa naman ang kagawaran na magpapatuloy ang tamang pagpapatupad kung saan maaari at hindi pwedeng magtanggal ng maskara.
"So hopefully tuloy-tuloy na maayos nating maipapatupad kung saan magtatanggal... at ano po ba ang dapat nating maalala," dagdag pa ng DOH official.
"Ngayon po ang ating main message na: Kailan tayo pwedeng magtanggal ng mask?"
Una nang inilinaw ng gobyerno na "highly encouraged" pa rin ang mga sumusunod na magsuot ng face masks sa kabila ng bagong polisiya:
- senior citizens (60-anyos pataas)
- immunocompromised individuals
- hindi pa fully vaccinated laban sa COVID-19
Hindi pa rin naman daw pahihintulutan ang pagtatanggal nito sa mga indoor establishments gaya ng public transportation at mga outdoor settings kung saan imposible ang physical distancing.
Una nang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na pinaluwag ni Marcos Jr. ang mask mandates lalo na't "6% away" na lang ang Pilipinas sa pag-abot ng wall of immunity.
Sa huling taya ng DOH, aabot na sa 3.9 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula noong 2020. Pumalo na sa 62,342 rito ang binawian na ng buhay.