MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Simultaneous Bamboo and Tree Planting and Kick-off Ceremony, Martes, sa Old San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal — ito kasabay ng unang kaarawan niya bilang presidente.
"Sinimulan natin ang ating kaarawan sa dating Sanitary Landfill ng San Mateo, Rizal upang makibahagi sa pinakamalaking programa ng bansa sa reforestation," wika ng presidente kanina.
Related Stories
"Malaki ang ating pasasalamat sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kanilang walang sawang pagod sa pag-aalaga kay Inang Kalikasan."
In-express din ng chief executive sa naturang pagkakataon ang commitment ng kanyang administration at apela sa bawat Pilipino na magkaisa sa pag-"preserve" sa mundo.
Samantala, pinasalamatan niya ang efforts ng civil society at non-government organizations na lumahok sa event sa dating "waste basket" ng Metro Manila.
"Ating kahilingan ang patuloy na pagsigla ng ating kapaligiran hindi lamang para sa atin kundi para sa ating mga anak at apo. Maraming salamat po sa inyong pakikiisa para sa ating kinabukasan!" wika pa niya.
'Birthday? Magbayad muna kayo ng tax'
Kakaibang "birthday wish" naman ang bati ng isang militanteng grupo para sa 65th birthday ng presidente — ito'y ang hiling na mabayaran ng presidential family ang bilyun-bilyon nilang unpaid estate tax.
Kaugnay pa rin ito ng P203.8 bilyong halaga ng buwis na 'di pa rin nababayaran ng mga naulila ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bagay na sinisingil pa rin ng Bureau of Internal Revenue.
"Walang birthday birthday! Magbayad ka ng tax mo!" wika ng League of Filipino Students sa isang paskil, Martes.
"Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. 203B Estate Tax," dagdag pa ng grupo.
walang birthday birthday! magbayad ka ng tax mo! ???????????? pic.twitter.com/r08a8eNHbv
— League of Filipino Students (@LFSPhilippines) September 13, 2022
Bagama't totoong may dapat silang bayarang excise tax — buwis na ipinapataw sa estate ng taong namatay — pinagtatalunan pa rin kung magkano ba talaga ang halaga nito dapat sa kasalukuyan.
Noong tumatakbo pa si Bongbong, sinabi niyang isyu pa rin ng "fake news" ang lumalaganap patungkol sa dapat nilang bayarang estate tax.
Isa rin ito sa mga naging susing usapin na naging mainit patungkol kay Marcos Jr. noong 2022 national elections. — James Relativo