Bilang ng Pinoy na nakaranas ng gutom, bumaba – SWS
MANILA, Philippines — Bumaba ang bilang ng pamilyang Pinoy na nakakaranas ng gutom sa bansa sa ikalawang bahagi ng taong 2022.
Batay sa ulat ng Social Weather Stations (SWS), mula sa dating 3.1 milyon noong 1st quarter ng 2022 ay naging 2.9 milyong Pinoy na lang ang nakakaranas ng involuntary hunger o hindi nakakakain ng kahit isang beses sa isang araw, sa nakalipas na buwan.
Ang hunger rate noong Hunyo 2022 ay nasa 0.6 puntos na mababa sa 12.2% o nasa 3.1 milyong pamilya noong Abril 2022, at 0.2 puntos na mas mababa sa 11.8% o 3.0 milyon, noong Disyembre 2021.
Gayunman, ito ay mas mataas ng 1.6 puntos sa 10% o nasa 2.5 milyong pamilya noong Setyembre 2021.
Mas mataas pa rin ito ng 2.3 puntos sa pre-pandemic annual average na 9.3% noong 2019.
Pinakamaraming nakaranas ng gutom sa mga pamilya mula sa National Capital Region (NCR) na nasa 14.7%.
Sinundan naman ito ng Mindanao (14.0%), Balance Luzon (11.9%), at Visayas (5.7%).
Kaugnay nito, natuklasan din sa survey na 48% ng mga pamilyang Pinoy ang nagsabi na sila ay “mahirap” o “poor”, 31% ang nasa “borderline poor,” at 21% ang “hindi mahirap” o “not poor.”
Pagdating naman sa mga uri ng pagkain na kanilang kinakain, sinabi rin sa survey na 34% ang nagsabing sila ay “food-poor,” 40% ang “borderline food-poor,” at 26% ang “not food-poor.”
Nabatid na ang naturang survey ay nilahukan ng 1,500 adults at isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews.
- Latest