Online application sa educational aid, itinigil na ng DSWD
MANILA, Philippines — Inihinto na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagtanggap ng aplikasyon online para sa kanilang educational assistance program na laan sa mahihirap na mag-aaral.
Ito ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo ay dahil may mahigit 2 milyong indigent students na ang nakarehistro online para sa kanilang educational assistance program.
“Kaya ‘di na namin makakaya o kakayanin pa dagdagan ‘yung two million. Ang tinitignan natin ay ‘yung pondo natin na P1.5 billion,” sabi ni Tulfo.
Sa ngayon anya, ang DSWD ay nakapamigay na ng may P600 milyon hanggang P800 milyong halaga ng educational assistance.
Ayon dito, ang huling payout ng kanilang educational assistance ay sa darating na dalawang Sabado sa September 17 at September 24 para matapos mabigyan ng cash aid ang mahigit 2 milyong mahihirap na mag-aaral.
Sa ilalim ng programa, may hanggang tatlong mag-aaral mula sa mahirap na pamilya ang maaaring makatanggap ng cash aid na P1,000 para sa elementary students, P2,000 sa high school students, P3,000 sa senior high at P4,000 sa tertiary students.
- Latest