Local producers, umaaray na sa dadagsang imported chicken
MANILA, Philippines — Umaaray na ang mga local producers ng manok sa bansa dahil sa inaasahang pagkalugi sa pagnenegosyo ng poultry products.
Ayon kay United Broilers Raisers Association chairman Gregorio San Diego Jr., posibleng malugi na sila at halos wala nang kitain sa pagnenegosyo ng manok dahil sa inaasahang pagdating ng mga imported na manok sa bansa.
Sinabi ni San Diego na oras na pumasok ang mga imported chicken, magkakaroon ng oversupply sa produktong ito dahil malaki rin ang volume na naipo-produce ng mga local producers ng manok.
Anya, sa ngayon ang halaga ng dress chicken ay nasa P150 hanggang P200 kada kilo samantalang ang farm gate ng produktong manok ay nasa P106-P110 lamang.
“At that price, we are no longer making money,” sabi ni San Diego.
Hindi rin anya in-demand ngayon ang manok at hindi gaanong mabenta ang litson manok sa mga tindahan.
Kung dadagsa anya ang imported na manok sa kabila na kaya naman ng local chicken producers na punan ang pangangailangan ng mga consumers dito, maaaring bumagsak pa ang presyo ng manok sa bansa at tuluyan na silang malugi sa pagnenegosyo nito.
- Latest