‘Mag-face mask, walang part 2 ang buhay’ – Bong Go

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na ang mga Pilipino ay dapat mana­tiling mapagbantay at sumunod sa ipinatutupad na mga alituntunin sa kalusugan, tulad ng social distancing at pagsunod sa tamang kalinisan, sa kabila ng rekomen­dasyon ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa labas o sa mga open space.

“Alam niyo, wala pong part two ang buhay ng isang tao. Kapag namatay ka, patay ka na talaga. Kaya importante ang kalusugan sa akin ng bawat Pilipino. Huwag natin hayaan na tumaas na naman ang kaso at magdusa na naman po ang kababayan nating mahihirap,” sabi ni Go matapos niyang personal na pangunahan ang relief operation sa Binalonan, Pangasinan noong Huwebes.

“Inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Di­seases na gawing bo­luntaryo ang pagsusuot ng face masks kapag nasa labas. Sa bahagi ko bilang senador at chair ng Senate committee on health, tiwala po ako sa mga rekomendasyon ng IATF na ayon sa masusing pag-aaral ng ating mga eksperto,” ani Go.

Ngunit iginiit ng senador na kailangan pa rin ang mga face mask lalo kapag malapit sa iba, para masugpo ang pagkalat ng virus.

Sinabi ng senador na mabuti pa rin ang nag-i­ingat at huwag magkumpiyansa habang nandiyan pa ang COVID-19.

Kahit payagan na tayong hindi magsuot ng masks habang nasa labas o sa mga ligtas na lugar, ugaliin pa rin na­ting maging responsable upang maproteksyunan ang sarili at ang ating komunidad laban sa anumang sakit o pangamba,” anang mambabatas.

Show comments