MANILA, Philippines — Nagsara sa pinakamababa nitong halaga sa kasaysayan ng Pilipinas ang piso kontra US dollar sa P57, ayon sa pinakahuling ulat ng Bankers Association of the Philippines, Martes.
Ito ang unang beses na bumulusok ang palitan ng piso sa dolyar sa naturang antas batay sa dataset mula pa noong 2001.
Related Stories
JUST IN: Peso hits new all-time low as it sank to P57 against the dollar.
First time that peso sank to that level in a dataset that dates back to 2001. @PhilstarNews@philstarbiznews pic.twitter.com/SlzUITBdOL— Ramon Royandoyan (@monroyandoyan) September 6, 2022
Lunes lang nang bumagsak ito sa P56.999, bagay na nangyayari ngayong namromroblema pa ang Pilipinas sa inflation (bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin).
Ang naturang peso depreciation ay nagaganap ngayong umaasa ang bansang makatalbog mula sa krisis pang-ekonomiya dulot ng COVID-19 pandemic at lockdowns sa nakaraang dalawang taon.
Ang datos na ito ay pabor para sa mga overseas Filipinos na nagpapadala ng dolyar sa kani-kanilang pamilya, lalo na't nangangahulugan ito ng mas malaking halaga kapag ipinapalit na sa piso.
Ilan sa mga nakikitang epekto ng peso depreciation ay ang mas mahal na halaga ng foreign foods and services sa mga Pilipino.
Kanina lang nang sabihin ni Domini Velasquez, chief economics ng China Bangking Corp. na "magpapatuloy" pa ang pagsadsad ng piso kontra dolyar lalo na't magpupulong ang US Federal Reserve Board ngayong buwan.
"[W]e are more or less certain that this downward trend will continue, possibly until next year," dagdag pa niya.
Hindi naman nababahala si Miguel Chanco, chief Emerging Asia economist para sa Pantheon Macroeconomics, sa pagtamlay ng piso. Gayunpaman, malamang sa malamang ay lumapit pa raw ito sa P58 sa mga susunod na linggo ngunit malabo na raw na lumala pa ito mula riyan.
Kahalintulad naman ang pananaw ng Bangko Sentral ng Pilipinas, pero "less-than-ideal" pa rin daw ito para sa mga Pilipinong umaasa sa remittance, lalo na't naapektuhan na ng inflation ang purchasing power ng piso.
Bahagyang bumagal ang August headline inflation ng Pilipinas sa unang pagkakataon ngayong 2022 matapos pumalo sa 6.3%. Sa kabila nito, labis-labis pa rin ito sa target inflation ng gobyerno na 2-4%. — James Relativo at may mga ulat mula kay Ramon Royandoyan