4 na kasunduan nilagdaan ng Pinas at Indonesia
MANILA, Philippines — Apat na kasunduan sa ekonomiya, kultura, at depensa ang nilagdaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Indonesia sa unang state visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nasabing bansa.
Ang apat na kasunduan ay iniharap kina Marcos at Indonesian President Joko Widodo sa Istana Bogor kung saan kapwa sila nagbigay ng statements.
Kabilang sa apat ang Plan of Action sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia mula 2022 hanggang 2027; Memorandum of Understanding kaugnay sa kooperasyong pangkultura; Agreement on Cooperative Activities sa larangan ng depensa ay seguridad sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at Indonesia; at pang-apat ang Memorandum of Understanding for Cooperation in the Development and Promotion of Creative Economy.
Sa kanyang pahayag, pinasalamatan ni Marcos ang Indonesia para sa mga tulong at kanilang pakikilahok sa mga programang pang-imprastraktura noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, inilarawan nina Marcos at Widodo ang papel ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang isang “lead agent” sa pagdadala ng kapayapaan sa gitna ng mga nangyayaring pandaigdigang isyu.
Sinabi rin ni Marcos na ang papel ng “regional bloc” ay mahalaga sa seguridad sa rehiyon at sa pagtatamo ng kapayapaan.
Sinabi naman ni Widodo na nais ng Indonesia na tiyakin na ang ASEAN ay mananatiling daan ng kapayapaan, katatagan, at kaunlaran sa rehiyon. Dapat din aniya na kayang harapin ng ASEAN ang mga hamon sa hinaharap at palakasin ang paggalang sa ASEAN Charter.
Binigyang-diin ni Widodo ang kahalagahan ng pagpapatupad ng ASEAN Outlook sa Indo-Pacific sa pamamagitan ng kongkreto at inklusibong kooperasyon upang palakasin ang sentro ng ASEAN.
Idinagdag ni Marcos na ang kanyang pagbisita sa Jakarta ay “simula lamang” ng maraming mahahalagang partnership na nakatakdang isasagawa ng dalawang bansa.
Related video:
- Latest