Pagsasabatas ng ADAC Bill suportado ni Bong Go

MANILA, Philippines — Nananatili si Senator Christopher “Bong” Go sa determinasyong ipagpatuloy ang kampanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na puksain ang iligal na droga sa pagpapakita ng suporta sa panukalang Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Law.

Sa pampublikong pagdinig na isinagawa ng Senate committee on public order, binigyang-diin ni Go, na nagsisilbing vice chair ng komite, na malaki ang maitutulong ng institusyonalisasyon ng ADAC sa kampanya laban sa illegal drugs, lalo sa pakikipag-ugnayan sa mga kaugnay na ahensya at pagsubaybay sa mga insidenteng may kinalaman sa droga.

“Long overdue na po itong Anti-Drug Abuse Council Law, that seeks to institutionalize Anti-Drug Abuse Councils in every local government unit. Sang-ayon po ang mga panukalang ito sa ha­ngarin ng ating gobyerno na mapanatili ang kapa­yapaan at kaayusan sa ating bansa sa pamamagitan ng pagpuksa sa iligal na droga,” ayon kay Go.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA), mayroong 25,061 barangay o 59.61% sa 42,045 barangay sa buong bansa ang idineklarang drug-cleared at 6,574 na barangay ang drug-free o hindi apek­tado, habang 10,410 barangay ang hindi pa nalilinis.

Iniulat din ng Philippine National Police (PNP) na ang bilang ng krimen sa bansa ay bumaba nang husto ng 73.76% sa pagsisimula ng administrasyong Duterte noong 2016 hanggang 2021.

“Bagama’t hindi ito perpekto, sinikap po ng Duterte administration na bumaba ang crime rate natin, and of course sa tulong po ng ating mga pulis ngayon. And of course sa tulong po ng ating DDB (Dangerous Drugs Board), itong Anti-Drug Abuse Council natin sana po ay maisakatuparan na,” anang senador.

Show comments